May nabasa ako isang post na sabi, “Bakit mo pinupursigi yan manok mo sa eleksyon. After ng eleksyon di ka naman nyan kilala. Babalik lang ang buhay natin sa dati.”
Well, eto ang mga sagot ko.
Sa gobyernong tapat, mayroon boses ang organisadong mamamayan, kung saan mapapakinggan ang mga hinaing ng sektor at magiging participatory pa tayo sa pagsulong ng isang maayos na sistema sa kinabibilangan nating industriya. Hindi katulad ng sa iba na ang patakaran sa iyong industriya ay batay sa ideya na naisip ng mga nakaupo, ni hindi nga niresearch kung eto nga ba ang kailangan ng inyong sektor.
Sa gobyernong tapat, magkakaroon ng maayos na sistema ang mga institusyon na nakatugon sa partikular na sektor na kinabibilangan natin. Bibigyan pansin ang mga eksperto at may karanasan na nakapagpapaunlad ng atin industriya o sektor, mas mainam pa at ito ay nagmula mismo sa sektor na kinabibilangan. Hindi katulad ng iba na pinipili ang mamumuno sa isang institusyon sa pamamagitan ng padrino at kung sino ang tumulong sa pagluklok ng kandidato nuong nasa kampanya pa lang, kahit wala itong alam sa industriya basta malakas sa kanya.
Sa gobyernong tapat, dahil maayos na nga ang mga institusyon na nakatuon sa bawat sektor ng lipunan, maayos na din ang sistema tulad ng pagkuha ng mga dokumento o rekesitos na kailangan ng isang mamamayan. Mayroon transparency, kaya mawawalan ang katiwalian at mababawasan ang red tape. Hindi katulad ng iba na hindi pinapaalam sa mamamayan kung paano nabuo ang isang panukala, kung kaya’t may mga rekesitos sa pagkuha ng isang dokumento o regulasyon na minsan ay pinagkakakitaan na lamang at hindi naman talaga kailangan ng ordinaryong mamamayan.
Sa gobyernong tapat, iginagalang ang karapatan pantao, kaya’t magiging malaya ang mga tao sa paglikha ng kanilang mga gawang sining, partikular na ang mga musikero at mga nasa creatives na madalas napagkakamalang adik. Hindi katulad ng iba na ang solusyon sa problema sa droga ay patayin ang mga naging biktima nito, kasama na ang mga pinaghihinalaan lamang. At dahil walang accountability, nagiging negosyo na ang war on drugs para sa iilan. At ang malalaking isda ay malayang nakakapaghasik ng kanilang malagim na negosyo.
Sa gobyernong tapat, aayusin ang ating educational system sa pagkilala na ito ay nasa krisis. Ituturo ng maayos ang tamang kasaysayan ng bansa mula sa panahon ng kastila, ang Phil-American war, hanggang sa mga mapanupil na mga nagdaang gobyerno, upang matutuo tayong maging mapagmahal sa bansa, mapanuri at malakas ang konsensya. Hindi tulad ng iba na umabot pa sa puntong itinanggal na ang pagturo ng sariling wika sa mga eskwelahan, bukod sa pagturo ng mga kabaluktutan sa kasaysayan. Pinaniniwalaan ang mga kathang isip na ipinapakalat sa social media para lamang manaig ang sariling interes na hindi naman para sa iyo, kundi para sa kanila.
Sa gobyernong tapat, ay makikilala na ang kakayahang magpabago ng isang bansa para sa kaunlaran ay nasa kamay ng mga manggagawa at magsasaka at hindi sa mga banyagang negosyo na umaalipin sa atin. Ang gobyerno ang syang gagabay para bigyan ng Nationalist, Scientific at Mass oriented na edukasyon ang mga mamamayan, upang palakasin ng kapangyarihan ng mamamayan na tumayo sa sarili. Mas magiging maayos ang labor relations pati ang foriegn relations sa ganitong paraan. Hindi tulad ng iba na papanatilihing ang sistema kung saan nakikipagsapalaran sa ibang bansa ang ating mga pilipino, Kinakawawa ang atin mga magsasaka, At para bang walang plano para sa ikauunlad ng bansa.
Sa gobyernong tapat, magkakaroon ng tunay na kapayapaan. Kung ang mga batayang problema sa bansa na syang nagpapahirap sa mga Pilipino ay matutugunan at mabibigyan ng direksyon upang mabago, mawawalan ng dahilan ang mga nag aaklas upang kumontra sa pamahalaan ng armado pakikibaka. Mababatid nito na may patutunguhan ang isang gobyerno para sa ikauulad ng batayang masang Pilipino kaya’t magiging kaisa natin sila sa pagsulong ng isang magandang bukas. Hindi tulad ng iba na gustong ipagpatuloy ang patayan. At ire-red tag pa ang mga taong gusto maresolbahan ang kahirapan sa bansa na umasa sa tunay na kapayapaan.
Sa gobyernong tapat, meron kang pag-asang nakikita. Kaya mong gawin ang ambisyon mo. Maipagmamalaki mo ang sarili mo sa iyong mga kaanak at kaibigan na tayo lahat ang gumawa nito. Mapapakita sa buong mundo ang tunay na ugali ng Pilipino na matulungin sa kapwa, mapagmahal at matalino kaya’t may disiplina. Hindi tulad ng iba na puros puot at hinanakit ang laman ng puso. Kesyo dinaya daw, inaalipusta daw, kinakawawa daw. Pero kung titingnan mo, ikaw ang dinaya nila, ikaw ang inalipusta nila at ikaw ang kinawawa nila dahil nilinlang ka nila sa pamamagitan ng mga binayarang trolls na bumabandera sa iyong social media.
Sa gobyernong tapat, hindi lang ang buhay ko ang aangat. Pati ikaw dahil ikaw ay Pilipino.